Alas-tres pa lang, gising na ang diwa.
Alanganing bumangon, alanganing pumikit.
Mas nauna ang katawan sa alarm,
ngunit nanghihinayang matulog muliβ
baka ang ilang minutong pahinga
ang maging dahilan ng pagkahuli.
Kulang ang tulog,
ngunit sagana ang mga obligasyon.
Aasikasuhin ang anak,
ihahanda ang sarili,
at papasok sa opisinaβ
mag-aalay ng oras at lakas
para sa pangarap na hindi akin.
Didiktahan ng oras,
susukatin ng paycheck ang halaga ng pagod.
Ngingiti sa mga kaopisina,
kahit ang isip ay matagal nang uwing-uwi.
Pag-uwi, hindi pa tapos ang laban.
Isasabit ang ID,
isusuot ang pagiging ina.
Maghahain ng hapunan,
yayakap sa anak,
kakain ng mabilisan,
at hihiga nang pagod na pagod.
Pipikit.
Gigising.
Babangon.
Mauulit.
Paulit-ulitβ
parang agos ng ilog na hindi marunong huminto.
Nakakapagod, oo.
Ngunit sa bawat pag-ikot ng araw,
may pusong patuloy na lumalaban.
Sapagkat ang pagod ay panandalian,
ngunit ang pagmamahal ang dahilan
kung bakit, sa bawat umaga,
muli akong bumabangon nang paulit-ulit.
